Sa "Sumbungan ng Bayan," dumulog ang isang ginang para magtanong kung may karapatan ba siyang hiramin ang kaniyang mga anak mula sa poder ng kaniyang mister matapos silang maghiwalay.
Ayon sa ginang, tatlong taon na silang kasal ng kaniyang asawa at nagkaroon ng mga anak na kambal, nang nagdesisyon silang maghiwalay.
Kasalukuyang nasa poder ng tatay ang mga anak, at may usapan silang maaaring hiramin ng ginang ang mga anak ng kahit na anong oras.
Ngunit sa halip na "ipahiram," tumatanggi ang ama na ibigay ang mga anak sa pangangalaga ng ginang.
Ayon kay Atty. Rowena Daroy Morales, mawawalan ng karapatan ang ina o ang ama sa kaniyang anak kung inabandona niya o iniwan ang mga bata.
Sa kaso ng ginang na humingi ng payo, sinabi ni Morales, na hindi malinaw kung nasaan ang ina at napunta sa ama ang kanilang anak.
"So kulang tayo sa facts diyan [sa idinulog ng ginang]," ayon sa abogado.
Nilinaw din ni Atty. Morales na bilang general rule, dapat nasa pangangalaga ng ina ang lahat ng kaniyang mga anak na nasa edad pito pababa.
Ito ay dahil kailangan ng mga bata ang pag-aaruga ng isang ina, tulad na lamang ng breastfeeding.
Dagdag pa ng abogado, hindi ito dapat dinadaan sa "hati tayo" o "pahiram lang," o paghahati sa kustodiya ng mga bata.
Tunghayan ang buong pagtalakay sa usapin.
--FRJ, GMA News