Larawan ng determinasyon sa buhay at kasipagan ang isang lalaki sa Camiguin. Kahit paralisado kasi ang kalahati ng kaniyang katawan, kumakayod pa rin siya sa pamamagitan ng pagkokopra kahit pahiga niyang binabalatan ang mga niyog.
Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS)” nitong Linggo, ipinakita ang naging buhay ni Jerome mula nang maparalisa ang kalahating katawan mula baywang pababa.
Sa isang katre o papag na may lumang kutson nakapako ang mundo ni Jerome, at doon na niya ginagawa ang kaniyang hanapbuhay.
Sinubukan naman daw ni Jerome na magtrabaho nang nakaupo sa wheelchair pero hindi raw niya kayang tiisin ang sakit na nararamdaman kapag matagal na nakaupo.
Kaya sinanay niya ang sarili na magbalat ng niyog nang nakahiga at patagilid.
Ang mga bata sa lugar ang nagdadala sa kaniya ng mga niyog o dried coconut na binibili ni Jerome sa halagang P6 ang isa. May maliit din siyang tindahan para sa dagdag na kita.
Iniiwan ng mga bata ang mga niyog sa gilid ng kaniyang papag. May paningkit naman si Jerome upang makuha ang mga niyog para mabalatan niya.
Kapag nakuha na ang laman ng niyog, pauusukan ang mga ito para matuyo katulong ang kaniyang pamangkin na si Jovy. Naibebenta niya ang mga ito ng P41 per kilo.
Ang kinikita ni Jerome, ipinambabayad niya sa kaniyang mga nauutang.
“Pambayad sa loan. P5,700 isang buwan. Matatapos na sa sunod na Martes. Loan na naman uli. Kasi walang laman,” natatawa niyang paliwanag sa harap ng matamis na ngiti na para bang walang iniindang kondisyon sa katawan.
Ayon kay Jerome, napasaralisa ang kalahati ng kaniyang katawan bago sumapit ang ika-18 taon ng kaniyang kaarawan.
“Palagi akong nanaginip na nalulubog dito sa putik ’yung katawan ko. Halos siguro isang buwan. Pabalik-balik,” kuwento niya.
Hanggang sa maaksidente siya sa sasakyan.
“’Yung likod ko parang nadurog-durog. Agad inoperahan ako para lang daw makaupo kasi ‘pag wala daw ’yun hindi daw makaupo,” patuloy niya.
Mula noon, nagpalipat-lipat na siya sa pangangalaga ng kaniyang mga kapatid.
Pero naramdaman ni Jerome na nagiging pabigat na ang tingin sa kaniya kaya naisipan niyang pamuhay nang sarili at kumayod para sa sarili.
“May sarili silang pangarap hindi nila maabot kasi sila nagbabantay. ’Yung tatay ko ganun din. Sinisisi ka. Hindi raw mahirap kung hindi dahil sa akin,” ani Jerome.
Sa kabila ng kaniyang kalagayan, pinili niyang lumaban at manatiling buhay.
Bukod sa pamangkin, may kapitbahay din si Jerome na tumutulong sa kaniya.
Mula nang maaksidente, hindi na muling nasuri si Jerome kaya sinamahan siya ng KMJS team na madala sa duktor.
Ayon kay Dr. Wency Daya, isang neuro-spine specialist, may complete spinal cord injury si Jerome, na dahilan ng kaniyang pagkaparalisado.
Samantala, matapos nito ay hinandugan ng isang nongovernment organization si Jerome ng wheelchair at folding bed, habang nagkaloob naman ang KMJS team financial assistance.
Inilista naman ng Department of Social Welfare and Development si Jerome para sa kanilang programa para sa persons with disability (PWD), binigyan ng grocery items, at nangakong susubaybayan ang kaniyang kalagayan.
“’Yang nawalan ka ng pag-asa ’wag niyo na ’yang isipin. Ang importante diyan buhay pa tayo . Kaya natin ’to. Tayo mismo ang makapagbigay ng pag-asa sa ating mga sarili,” ani Jerome na pilit nilalabanan ang pagpatak ng mga luha sa tuwa dahil sa natanggap na mga biyaya.
Para sa mga nais tumulong kay Jerome, maaaring mag-deposit sa:
Bank: Cebuana Lhuillier Rural Bank
Account Name: Jerome Nacaitona
Account Number: 001060346486
– FRJ, GMA News