Nakatutuwang pagmasdan ang isang aso na pinapayagan ang pagsibasib sa kaniya ng isang biik para dumede sa Bantay, Ilocos Sur. Pero hindi lang pala biik ang pinayagan ng aso na dumede sa kaniya kahit na hindi niya kauri.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing ang aso na bagong panganak at ang isang-buwang-gulang na biik ay alaga ni Mary Joy Tipon sa Barangay sa Tay-ac.
Pagkaalis sa biik sa kaniyang kulungan, nagmamadali na siyang nagtungo sa pinupuwestuhan ni Miracle para dumede.
Napagkaitan raw ng gatas ang biik sa ina nitong baboy dahil mas malalaki ang kaniyang mga kapatid.
Kaya inilagay na lang daw nila sa bahay ang biik para gawing pet kasama ang aso.
"Malakas siyang dumede kaya kapag napansin namin na over na siya ikinukulong namin para yung anak naman niya [ni Miracle] mayroong magatas," kuwento ni Tipon.
Pero hindi lang pala ang biik ang pinayagan ni Miracle na dumede sa kaniya.
Pati raw ang kuting at maging ang kambing ay pinapayagan daw ng aso na dumede sa kaniya.
Naging normal na raw sa kanila na makita ang mga bagong silang na hayop na pinapadede ng mapagmahal na si Miracle.--FRJ, GMA News