Isang mabilis na motorsiklo ang sumalpok sa taxi sa Cainta, Rizal na ikinaresulta ng pagkamatay ng rider at sakay nito.

Tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo. Isa sa sakay ay tumama sa pader habang ang isa naman ay umikot ikot papunta sa kalsada.

Dead on the spot ang isa sa mga biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Angono ang magkaibigang sakay ng motorsiklo na pauwi na raw sana sa Quezon City nang maganap ang aksidente.

“Nasa right of way 'yung motor, papasok si taxi sya yung papasok sa subdivision. So, dapat sya yung magbibigay. Pero dito sa kaso na to, nakapasok na si taxi tapos si motor umiwas kay taxi," sabi ni Police Lieutenant Joseph Macatangay, chief of police ng Cainta Municipal Police Station.

"Ang nangyari naman dun sila nagkaroon ng miscommunication sa kanilang mga galawan kaya ang naging resulta natumbok ni taxi si motor,” dagdag pa niya.

Ang isa pang rider, isinugod pa raw ospital pero namatay din kalaunan.

“Both victims suffered multiple injuries sa kanilang different parts of their body… Based dun sa doctor, head traumatic injury 'yung kanilang mga natamong sugat kaya daglian ang kanilang pagkamatay,” ayon kay Macatangay.

 Tatlong iba pa ang nadamay daw sa aksidente.  

“Itong motor ay humataw dun papunta sa mga vendor na merong na-injured na isa pang babae at 2 menor de edad,” sabi ni macatangay.

Kwento ng taxi driver, papasok siya sa Village East Subdivision para magpahinga mula sa kanyang magdamagang pamamasada.

“Yung motor malayo pa. Ngayon yung pag abante ko, akala ko hihinto siya e ang tulin nya e. Nakalabas na nga ko nandyan na ko nga sa may papasok na ko ng Village East, e nagulat ako biglang kumalambag yung harapan kp," saad ng driver.

“Ngayon lang ako ma’am naaksidente ng ganito… Humihingi ako ng kapatawaran sa kanila, kung kaya nila ako patawarin dahil ang totoo naman, kung iisipin mo wala akong kasalanan,” dagdag niya.

Sa Cainta Municipal Police Station custodial facility naka-detain ang taxi driver. Sasampahan siya ng reklamong reckless imprudence resulting in two counts of homicide with serious physical injuries and damage to property.

--VAL, GMA Integrated News