Sa panahon ng kapaskuhan, karaniwang nakikita sa mga bangketa ang pagluluto ng castañas o chestnuts sa kawali na may kasamang bato o pebbles. Pero bakit nga ba kailangan itong lagyan ng bato?

Sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Kuya Kim Atienza na sinasamahan ng bato ang pagluluto ng castañas para mapanatili ang orihinal na lasa at aroma nito.

Ina-absorb umano ng naturang bato ang tamang init ng kawali para pantay na maluto ang mga castañas. Sa ganitong paraan, napapanatili ang orihinal na lasa nito at amoy.

Matapos maluto, makikita ang kintab sa matigas na balat ng castañas pero malambot naman ang malinamnam na laman.

Maaaring mabuksan ang castañas sa pamamagitan ng kamay kung malakas ang pulso. Pero kung hindi naman kaya ng kamay, puwede itong kagatin para mabuksan.

Gaya ng castañas, mahirap din balatan ang iba pang mani. Kaya nauso rin noon ang isa pang Christmas icon na "nutcracker soldier."

Ginawa noon ang mga "nutcracker soldier" na bumubuka ang bibig para doon ilalagay ang mani para basagin ang balat. Pero ngayon, mas madalas na nakikita ang "nutcracker soldier" bilang palamuti sa Pasko. --FRJ, GMA News