Nawala na ang ilong at halos matunaw ang bibig ng isang babae dahil sa kaniyang sugat sa mukha na nagsimula lamang sa tila maliit na taghiyawat sa ilong. Ano nga ba ang nangyari sa kaniyang mukha na naging sanhi ng kalunos-lunos niyang kalagayan?
Sa ulat ni Saleema Refran sa programang "Brigada," makikita ang pagpapakain ng oatmeal na madali lang kainin para kay Elizabeth, na dinapuan ng sakit noong 2020.
Ayon sa kapatid ni Elizabeth na si Vivian Basay Debulcos, madalas na idinadaing ni Elizabeth ang pagsakit at pagdugo ng ilong nito kahit noong dalaga pa.
Lagi ring may sipon si Elizabeth, hanggang sa magsugat ang kaniyang ilong at nagkaroon ng mabahong amoy.
Marso nitong nakaraang taon nang magsimula sa maliit na taghiyawat ang kaniyang sugat.
May pagkakataong dinala si Elizabeth sa albularyo sa pag-aakalang nabarang o nakulam siya.
Hanggang sa pamamagitan na lang ng bulak siya pinaiinom ng tubig, at hindi na nakaliligo dahil mabilis siyang mangatog.
Hindi naman maiwasan ni Markos Adriaticos, asawa ni Elizabeth, na mag-alala para sa kaniyang misis sa tuwing nasa bukid siya para maghanapbuhay.
"Hindi naman ako natatakot, may kapatid ako na natatakot sa nanay ko. Mahal ko siya," sabi ni Manny Adriatico, bunsong anak ni Elizabeth.
Nang ipasuri sa duktor, napag-alamang mayroong kondisyon na paranasal lymphoma si Elizabeth.
Ayon kay Dr. Dominador Garduño III, isang uri ng cancer ang lymphoma na lumalabas kahit saang parte ng katawan. Kinakain nito ang bahagi kung saan ito natagpuan.
Sa kaso ni Elizabeth, nakita ang lymphoma sa kaniyang paranasal sinuses at nagkaroon pa ng impeksiyon.
Payo ni Dr. Garduño, kailangang gamutin ang sugat ni Elizabeth ng peroxide.
Kailangan din ni Elizabeth ng masustanisyang pagkain at chemotherapy, mga bagay na hirap ibigay ng kaniyang pamilya dahil kopra lamang ang kanilang pamumuhay.
"Mahal ko siya kaya aalagaan ko siya. Magtiis lang tayo at huwag bibitaw kasi may tutulong sa atin," saad ng kaniyang mister.
"Pagaling na rin sana, 'yun na lang hinihiling namin ngayong Pasko, sana gumaling siya," hiling ni Vivian.
Sa mga nais tumulong kay Elizabeth, maaaring makipag-ugnayan kina:
Sis. Lorna L. Pegenia
Mother Angelin D. Bongcawel
+639272568771
Vivian Basay Debulcos
kapatid ni Elizabeth
09307374352
--FRJ, GMA News