Naghihinagpis ang isang ina dahil pitong buwan na niyang hindi nakakasama ang kaniyang 10-taong-gulang na anak matapos itong hiramin umano ng kaniyang kapatid at ina. Bukod sa ayaw na raw ibalik sa kaniya ng kaniyang anak, bigla rin daw nagbago ang pagtingin sa kaniya ng bata.
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," ikinuwento ni Rachel ng Caloocan, na hiwalay na sila ng kaniyang kinakasama, kaya solo niyang itinataguyod ang kaniyang anak.
Isang araw, hiniram daw ng kaniyang kapatid at ina ang kaniyang anak para maka-bonding nila ang bata at maisama sa swimming.
Wala namang naging pag-aalinlangan kay Rachel na ipahiram ang bata dahil kapatid at ina naman niya ang mga ito.
Pero pagkaraan ng ilang araw, hindi pa rin ito inihahatid sa kaniya kaya siya na pumunta sa bahay ng kapatid at ina para sunduin ang anak.
Ngunit ayaw na umanong sumama sa kaniya ng kaniyang anak at sinabihan siya ng kaniyang kapatid at ina na naka-blotter siya kaya hindi niya maaaring kunin ang bata.
Hindi naman maipaliwanag ni Rachel kung ano ang dahilan para ipa-blotter siya at hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin.
Kaya inabot na ng pitong buwan bago naisipan ni Rachel na dumulog sa programa upang makahingi ng payo kung ano ang nararapat niyang gawin para mabawi ang anak.
Hinala niya, na-brainwash ang kaniyang anak kaya bigla na lang ayaw na nitong sumama sa kaniya.
Sabi pa ni Rachel, sa bahay ng kaniyang kapatid at ina umuuwi umano ang kaniyang dating kinakasama.
Hindi naman niya maipaliwanag kung paano nangyari at doon umuuwi ang kaniyang dating kinakasama.
Ayon kay Caloocan City Social Welfare Development Officer Regina Hipolito Embalsado, dapat nasa poder ng ina ang anak kung hindi kasal ang kaniyang mga magulang.
Idinagdag niya na tanging ang korte lamang ang makapagdedesisyon kung inaalisan ng kaparatan ang isang ina sa kaniyang anak.
Sa kaso ni Rachel, nais ni Embalsado na malaman ang buong kuwento kung bakit ayaw nang sumama ng anak sa kaniyang ina, at kung bakit ayaw ibalik ng kaniyang mga kamag-anak ang bata.
Gayunman, sinabi ng opisyal na mayroon na rin silang mga dating kaso kung saan tumatanggi na ang bata na bumalik sa taong dapat na nag-aalaga sa kaniya.
Paliwanag ni Embalsado, may pagkakataon kasi na ibinibigay ng kabilang partido ang luho ng bata na hindi naibibigay ng taong dapat na kapiling niya.
Ngunit matapos ng pagpapaliwanag at pag-uusap, bumabalik naman umano ang bata sa taong dapat talaga niyang samahan.
Kung sakaling hindi naman ibalik ng mga kaanak ni Rachel ang kaniyang anak, sinabi ni Embalsado na maaaring maghain ang ina ng petisyon na "habeas corpus" sa korte.
Sa pagkakataong ito, ipatatawag ng korte ang magkabilang-panig at magpapasya ang hukom kung kanino dapat mapunta ang kostudiya ng bata.
Panoorin ang buong talakayan sa video.
--FRJ, GMA News