Inihayag ni Mariz Umali na hindi niya pinangarap noon na maging TV reporter kundi isang doktor. Pero nang maging journalist at makilala si Raffy Tima, sinabi niyang masaya na siya sa kasalukuyan niyang trabaho.
"Gusto kong maging doktor," sabi ni Mariz sa Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga" kamakailan.
"Ikinuwento sa akin ni mommy na noong mga 4 years old ako, mahilig kasi si mommy manood ng news programs. Subconsciously nandoon na rin pala siya sa mind ko kasi lagi ko raw itinuturo sa mommy ko na gusto kong maging [reporter] noong bata ako."
"Pero ang natatandaan ko talaga, gusto kong maging doktor," pagpapatuloy ni Mariz, na kumuha ng kursong pre-med at pharmacy.
"Ang [tanong] sa akin ni mommy 'Akala ko gusto mong maging doktor?' Sabi ko 'Pareho.'"
Pero kung papipiliin ngayon si Mariz, mas pipiliin niya na pa rin ang pagiging journalist.
"Sobrang masaya na ako dito sa kung nasaan ako.. kasi dito ko nahanap eh," sabi ni Mariz, na tinutukoy ang asawa niyang si Raffy Tima na isa rin sa guest choices sa naturang segment.
Muli namang binalikan ni Mariz kung paano nagsimula ang pag-iibigan nila ni Raffy.
"Ang tagal kasi naming magkaibigan, parang mga 10 years tapos wala naman," anang Kapuso journalist. "So hindi ko talaga na-realize until dumating ang moment na 'yun."
Ayon kay Mariz, mas natatakot pa raw siya sa tuwing ipinadadala si Raffy sa mga coverage na hindi maiiwasan ang peligro.
"Actually ngayong mag-asawa na kami, doon ako mas natatakot, kapag halimbawang ipinadadala siya. Naiisip ko na eh. Pero kung ako 'yung pinadadala, mas gusto ko," saad niya.
"Natatakot ka kasi siyempre kapag ipadadala siya sa Mindanao, lalo na noong nagkaroon ng giyera sa Marawi, talagang puwede kang ma-caught in a crossfire. Siyempre natatakot ka, so dasal-dasal ka lang. Kasi hindi ko rin naman siya puwedeng pigilan and at the same time siya rin naman hindi niya naman ako pinigilan. Hindi naman namin naisip na patigilin ang bawat isa," paliwanag pa ni Mariz.
--FRJ, GMA News