Nakuhanan sa video ng isang residente ang isang aso na tila may inaamoy sa tabing-dagat nang biglang sagpangin ito ng buwaya sa Panglima, Sugala, Tawi-Tawi ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Biyernes.
Pahayag ng residente, hindi na raw bago sa kanila ang naturang pangyayari, lalo na kay Radzman Jawadilna, na minsan nang kinagat umano ng isang buwaya habang siya’y nangingisda.
Ayon pa sa isang residente na si Benhar Habe, kadalasan daw ay simisilong ang mga buwaya sa ilalim ng mga bahay kapag high tide.
Pahayag ni wildlife vet Doc. Nielsen Donato, hindi man daw kasama sa kanilang diet ang mga tao, ngunit kilalang opportunistic feeder ang mga buwaya.
Ibig sabihi, kung ano ang maaring kainin sa paligid nito ay yun na ang kanilang nagiging target.
Ilang beses mang nagkaroon ng ganitong insidente sa Panglima Sugala, ay hindi kailanman nagtanim ng galit ang mga residente sa mga buwaya.
Para sa kanila, ang mga hayop ang may-ari ng kanilang lugar at pawang taga-pangalaga lamang ang mga tao. —Sherylin Untalan/LBG, GMA News