Nalagay sa peligro ang buhay ng isang batang babae na 9-anyos nang bumaon sa pisngi niya ang nakausling bakal sa laruang kotse. At dahil din sa pandemic, nagtiis siyang maghintay na apat na araw bago naoperahan sa ospital at maalis ang laruan sa kaniyang mukha.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nangyari ang insidente sa Muntinlupa nang mag-agawan sa cellphone ang biktimang si Rhea, at ang nakababata niyang kapatid na si Raprap, 7-anyos, pawang hindi nila pangalan.

Nagalit umano si Raprap at ibinato niya ng kaniyang laruang kotse-kotsehan ang kaniyang ate Rhea, at doon na nga bumaon sa pisngi ng biktima ang nakausling bakal ng laruan.

Dahil nakakawit ang bakal sa loob ng pisngi, hindi ito basta-basta maaalis. Kaya matapos na bigyan ng paunang lunas si Rhea, kaagad siyang dinala sa ospital.

Ngunit dahil sa kasagsagan pa ng COVID-19 cases nang mangyari ang insidente, kinailangan ni Rhea na magtiis ng apat na araw na nakatusok sa kaniyang pisngi ang laruan bago siya naoperahan.

Ayon sa duktor, mabuti na lamang at walang malaking ugat na tinamaan sa pisngi ni Rhea na maaaring magdulot ng matinding pagdurugo.

Habang hindi pa na-o-operahan, binigyan si Grace ng anti-tetanus shot at antibiotics.

Sa kabutihang-palad, lumitaw na hindi malalim ang pagkakabaon ng bakal sa loob ng pisngi ni Rhea kaya tumagal lang ng kalahating oras ang naging operasyon sa kaniya.

Sa ngayon, pinaghihilom na lang ni Rhea ang kaniyang sugat sa pisngi na kinailangang tahiin.

Kung kailangan paghilumin ang sugat ni Rhea, hindi naman kailangan pang paghilumin ang kaniyang kalooban sa kapatid.

Sa kabila kasi ng nangyari, nananatili ang pagmamahal ni Rhea kay Raprap.

"Sinasabihan ko lang po na, 'Wag munang gagawin uli 'yon sa 'ken ha, masakit 'yan,'" kuwento niya. "'Sige po ate,' sabi po niya."

Ngayong magpapasko, marami ang nag-iisip na ng mga laruang ireregalo sa kanilang mga inaanak. Paano nga ba dapat gawin sa pagpili ng regalo lalo na sa mga bata para matiyak na hindi ito magdudulot ng kapahamakan sa pagbibigyan? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News