Kahit lima o 10 taon na ang bisa ng driver’s license, kailangan pa rin ng driver ng "periodic" medical exams, ayon kay Land Transportation Office chief Assistant Secretary Edgar Galvante.

Sa panayam ng Dobol B TV, ipinaliwanag ni Galvante na kailangan ang naturang mga medical exam para matiyak na nasa maayos na kalusugan ang driver.

“Kung sa five years [na bisa], ang best schedule na medical exam on the third year ng lisensya,” ayon sa opisyal.

“Sa 10 years naman, on the 3rd, 5th at 7th year,” dagdag niya.

Nang tanungin kung hindi ba maapektuhan ng periodic medical exams ang layunin ng pagpapalawig ng bisa ng lisensiya na bawasan ang pahirap sa mga driver, sinabi ni  Galvante na layunin nito na matiyak ang kaligtasan ng mga driver at pasahero.

Ginawang halimbawa ni Galvante na maaaring lumabo na ang mata ng driver sa panahon na 10 taon ang bisa ang kaniyang lisensiya.

Sa isasagawang medical checkup, mabibigyan umano ng payo ang driver para matugunan ang problema nito sa paningin.

Bukod sa periodic medical exams, kailangang dumaan sa seminar o comprehensive driver's education (CDE) at  pagsusulit ang mga magre-renew ng lisensiya.— FRJ, GMA News