Isang dalaga sa Marinduque ang ilang taon na umanong ginagambala ng maligno na kung tawagin ay "Bungisngis" o "Ngisngis." Ang huling hiling nila para tigilan ang babae, mahawakan ang kaniyang buhok na kitang-kita sa camera.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinasabing maitim, malaki ang ngipin at may isang mata sa noo ang mga "Ngisngis."

Pinapaniwalaan ng mga residente na isang angkan ang mga "Bungisngis" na nagmula sa isang kuweba sa isang isla sa lalawigan.

Tinawag din itong "Bungisngis" dahil madidinig umano ang pagtawa nito. Madalas din silang nagtatago sa mga kawayanan o kakahuyan.

Sa ganitong lugar umano unang naengkuwentro ng maganda at may mahabang buhok na si Annah ang maligno. Mula noon, hindi raw siya tinitigilan ng "Bungisngis" at nagdudulot ito sa kaniya ng matinding takot.

Pagkaraan ng apat na taon, kakaharapin na ni Annah ang takot dahil pupuntahan niya ang lugar kung saan madalas magparamdam ang maligno.

Sinamahan siya ng paranormal researcher na si Ed Caluag upang pakiusapan ang mga maligno na tigilan na si Annah.

Bakas ang matinding takot ni Annah nang muli niyang makaharap ng "Bungingis" pero nakaalalay sa kaniya si Ed, na nakipagkasundo sa mga maligno.

Ayon kay Ed, nagkagusto ang mga maligno sa mahabang buhok ni Annah dahil ang mga diwata lang umano ang may ganitong buhok.

At para tigilan nila si Annah, pumayag si Ed na hawakan nito ang buhok ng dalaga sa huling pagkakataon--na huling-huli sa camera.

Tunghayan ang nakakakilabot na tagpo, at ang ginawang pagsusuri ng isang video expert na nagpatotoo na hindi edited at isang paranormal event ang nangyaring paggalaw ng buhok ni Annah. Panoorin.

--FRJ, GMA News