Ayon sa World Health Organization (WHO), nitong 2020 ay lumala ang problema sa late diagnosis at gamutan sa breast cancer dahil sa COVID-19 pandemic. Kaya maraming pasyente na huli na ang lahat kapag nagpatingin para maagapan sana ang sakit. Paano nga ba maiiwasan ang breast cancer?
Sa programang "Pinoy MD," sinabing nagkakaroon ng breast cancer kapag abnormal na dumarami ang cells sa dibdib at bumubuo ng isang malignant na bukol o tumor.
Sinabi ni Dr. Norman San Agustin, oncologist at President and CEO ng Asian Breast Cancer, na malaki ang naiaambag ng genetics at lifestyle sa pagkakaroon ng breast cancer.
"There are two types of mutation, one is genetically inherited or inherited genes, the other one is called acquired mutation as a result of poor lifestyle," sabi ni Dr. San Agustin.
"Eating habits, eating excessive amount of fat and sugar. Because of [weight gain] as you get older, and lack of exercise, stress," dagdag ng doktor.
Kaya naman nangunguna ang breast cancer sa pinakamaraming bagong kaso ng cancer sa Pilipinas.
Para maiwasan ang breast cancer, inirerekomenda ng mga eksperto ang mammogram para sa mga babaeng 35-anyos pataas.
Maliban sa mammogram, maaari ring magpasuri ang mga kababaihan sa pamamagitan ng magnetic resonance imaging (MRI).
At para naman sa mga may dense o siksik na breast tissue, o mahihina ang mga bato, rekomendasyon na sumailalim sila sa molecular breast imaging (MBI).
Alamin ang buong talakayan sa naturang usapin sa video ng "Pinoy MD."
--FRJ, GMA News