Sa bansang Mexico, may kakaibang kapistahan na ginagawa ang mga deboto sa itinuturing nilang santo na La Santa Muerte, na ang hitsura ay kalansay. At dito sa Pilipinas, makikita raw ang nag-iisang katulad nitong imahen na 100 taon na ang edad sa Argao, Cebu.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ipinakita ni Gwen Montanez ang pinaka-iingatan niyang imahen ng La Santa Muerte.
Gawa ito sa ivory at nasa apat na talampakan ang taas.
Ipinaparada raw ang imahen tuwing Biyernes Santo. Pero dahil sa COVID-19 pandemic, dalawang taon na raw itong hindi nasisilayan ng mga tao.
Kuwento ni Gwen, isang Kastilang pari ang nagbigay ng imahen sa kanilang pamilya. Nang pumanaw ang kaniyang ama dahil sa katandaan, siya na raw nangalaga sa imahen.
Aminado naman si Gwen na natatakot siya noon sa imahen ng La Santa Muerte noong bata siya dahil sa bungo nitong hitsura at may hawak pang karit na tulad ni kamatayan.
Gayunman, naniniwala ang mga deboto ng La Santa Muerte na mapaghimala ito at magbibigay sa kanila ng proteksyon.
Ayon kay Gwen, mapayapang pumanaw ang kaniyang ama dahil sa katandaan at naging maayos din ang kanilang buhay.
Si Lolo Virgilio na deboto rin ng La Santa Muerte, nasaksihan daw niya ang paghihimala nito nang mahulog ang ulo ng imahen habang nasa prusisyon pero hindi raw ito nabasag o nabiyak.
Sabi pa ni Gwen, kinukuha ng mga tao ang bulaklak na inilalagay sa imahen tuwing prusisyon para iuwi. Inilalagay daw ang mga bulaklak sa altar at mayroon din inilalagay sa langis.
Sakabila ng debosyon ng ilang tao sa imahen ng La Santa Muerte, may paalala naman sa kanila ang ilang alagad ng Simbahang Katolika. Kung ano ito, panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News