Sa loob ng dalawang dekada, umikot ang mundo ng isang 30-anyos na babae sa isang banyera na ginagamit din ng kaniyang inang labandera sa hanapbuhay para matustusan ang kanilang pangangailangan sa Hilongos, Leyte.
Sa porgramang “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing tatlong-taong-gulang pa lang noon si Joan, nang magkaroon ito ng sakit.
Mag-isang itinataguyod ni Marcelina, ang kaniyang apat na anak sa pamamagitan ng paglalabada.
Mula nang ilagay daw niya si Joan sa banyera, napansin daw ni Marcelina na mas naging komportable ang kaniyang anak na nagsisilbi na nitong higaan hanggang sa lumaki.
Katunayan, kinailangan pa raw ni Marcelina na mangutang ng P500 para maibili ng mas malaki at matibay na banyera si Joan.
Nagagalit at hindi raw kumakain, si Joan kapag inalis sa banyera. Hindi rin daw nakatutulog ang anak kapag inilipat sa banig.
“Kapag may nararamdaman siya, magkaka-kombulsiyon siya, kaya doon na nagsimula na hindi na ako makakaalis nang malayo kasi hindi siya puwedeng maiwan,” kuwento ni Marcelina.
Kapansin-pansin na nagkaroon na pagbaluktot ng mga buto sa likod ni Joan.
Upang maging komportable si Joan, nilalagyan ni Marcelina ng unan na may laman na mga damit ang banyera at kaniyang ring nilalagyan ng sapin.
Normal naman daw nang isilang niya si Joan hanggang sa maaksidente raw ang bata noong tatlong taong gulang ito.
Mula noon, nagkakaroon na raw ng lagnat si Joan at kinukumbursiyon.
Dahil hindi sapat ang kita sa paglalabada, hindi niya naipagamot ang anak, at hindi rin maibili ng magandang matres na mahihigan dahil inaabot ng mahigit P1,000 ang halaga.
Sa tulong ng "KMJS" team, ipinasuri sa duktor si Joan at nalaman na mayroon siyang severe cerebral palsy.
Bagaman hindi na maibabalik sa dati ang kaniyang katawan, sinabi ng duktor na makatutulong ang rehabilitasyon para maigalaw ni Joan ay ilang bahagi ng katawan.
Nilinaw din ng duktor na ang pagbaluktot ng mga buto ni Joan ay hindi dulot ng paghiga niya nang matagal sa banyera, bagkos ay sanhi ito ng kaniyang kondisyon.
Nagkaloob din ang "KMJS" ng pinansiyal na tulong sa mag-ina, at niregaluhan si Joan ng anti-bedsore mattress at unan.
Tunghayan sa video ang buong kuwento at sa mga nais tulong, maaaring magdeposito sa:
LANDBANK HILONGOS BRANCH
ACCOUNT NAME: MERCELINA VASQUEZ RANTE
ACCOUNT NUMBER: 4166 0534 69
—FRJ, GMA News