Isang lalaki ang sinaksak at namatay dahil umano sa iringan na nagsimula sa agawan ng kanta sa isang videoke bar sa Pasig City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, nahuli-cam na isang babae ang pumapagitna sa iringan ng dalawang lalaki.
Pero hindi nagpaawat ang suspek at sinaksak niya ang biktima.
Kaagad na tumakas ang suspek habang bumagsak naman ang biktima at namatay.
Ayon kay Pasig Police chief Colonel Hendrix Mangaldan, nagtago ang suspek hanggang sa maaresto sa Maynila.
“Nagsimula lang ito sa simpleng away hanggang sa umabot sa homicide case,” ani Mangaldan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, unang lumitaw na away dahil sa kalasingan ang nangyaring krimen. Pero ayon sa suspek, inagaw umano ng biktima ang kanta niya at kinukuha sa kaniya ang mikropono.
“Gusto nilang angkinin yung kanta na hindi naman sa kanila. Nung hindi ko binigay ang mic binatok-batukan ako. Sabi niya 'sa susunod, huwag mo na gagawin yun ha,” ayon sa suspek.
Napahiya rin daw ang suspek sa kaniyang mga kasama dahil sa ginawa umano ng biktima.
“Binatok-batukan ako tapos sinakal. Nainsulto ako. Marami ako kasama, napahiya rin ako,” patuloy nito.
Nagsisisi ang suspek sa kaniyang ginawang krimen at humingi siya ng kapatawaran.
Payo ng pulisya sa publiko sa pagdiriwang ngayon ng pagsalubong sa Bagong Taon, maging responsable, uminom lang ng tama at iwasan makipag-away.-- FRJ, GMA Integrated News