Kapuwa nalagasan ang net trust ratings nina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, batay sa pinakabagong resulta ng commissioned survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) ngayong Disyembre.
Ang survey na ipinagawa ng Stratbase Consultancy, lumabas na nakakuha si Marcos ng 29% sa trust rating nitong Disyembre, na mas mababa kumpara sa 33% niya noong Setyembre.
Nakasaad sa survey na 54% ng mga tinanong ang may lubos na tiwala sa pangulo, 19% ang undecided, at 25% naman ang maliit ang tiwala sa kaniya.
Samantala, anim na porsiyento naman ang nabawas sa trust rating ni Duterte na nasa 23% nitong Disyembre, kumpara sa 29% noong Setyembre.
Lumilitaw sa survey sa 52% ang may malaking tiwala kay Duterte, 17% ang undecided, at 29% ang maliit ang tiwala sa kaniya.
Ginawa ang survey mula December 12 hanggang 18,2024 via face-to-face interviews sa 2,160 adults na may edad na 18 pataas.
Tinanong ang mga respondent ng: "For the following, please indicate if your trust/faith in [Marcos/Duterte] is Very much, Somewhat much, Undecided if much or little, Somewhat little, Very little, or You have not heard or read anything about [Marcos/Duterte] ever?”
Mayroon itong sampling error margins na ±2% para sa national percentages, ±3% sa Balance Luzon, at tig- ±5% para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. —mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News