Ibinigay ni Dennis Trillo bilang donasyon sa mga bilanggo o Persons Deprived of Liberty (PDL), ang perang kasama sa kaniyang napanalunan bilang Best Actor sa katatapos lang 2024 Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal.

Sa Facebook post, ibinahagi ng road manager na si Jan Enriquez, kung papaano idinonate [donate] nina Dennis at asawa niyang si Jennylyn Mercado, ang cash prize na P100,000 para sa PDL.

Ayon kay Jan, inatasan siya na kunin ang P100,000 cash prize bilang kinatawan ni Dennis sa naturang awards night. Si Jennylyn umano ang nagsabi naman na i-donate ang pera sa PDLs.

“Agad-agad ko itong inabot kay JC Rubio na siyang may konek sa grupo ng mga PDL kung saan hango o inspired ang Tree of Hope,” ani Jan.

Si JC Rubio, isang award-winning senior program manager para sa I-Witness at Kara Docs, at creative producer para sa GMA Pictures, ang concept creator ng MMFF movie na "Green Bones," na pinagbidahan nina Dennis at Ruru Madrid.

Ayon kay Jan, mayroon talagang Tree of Hope sa isa sa mga pasilidad para sa mga PDL. "Doon po gagamitin ang 100K para matupad ang mga munti nilang hiling,” dagdag niya.

Inihayag din ni Jan na ang napanalunang cash prize ng Team Green Bones sa guesting ng "Family Feud" ay ipinagkaloob din sa PDLs.

"Thank you for your kindness, Dennis! You truly embody our movie's message!" saad niya.

Isinare [shared] ni Nessa Valdellon, GMA Pictures Senior Vice President, ang post ni Jan, at pinasalamatan din si Dennis.

"This was heartwarming," ani Nessa.

Humakot ng parangal sa MMFF Gabi ng Parangal ang Green Bones. Bukod sa Best Actor na nakuha ni Dennis, nakuha rin nito ang Best Picture award, Best Supporting Actor (Ruru Madrid), Best Child Performer (Sienna Stevens), Best Screenplay, at Best Cinematography.

Patuloy na ipinapalabas sa mga sinehan ang Green Bones, at iba pang pelikulang kalahok sa MMFF 2024.— mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ, GMA Integrated News