Nahuli-cam ang ilang aksidente sa Cavite na kinasangkutan ng mga motorsiklo. Kabilang dito ang pagkakabangga ng isang motorsiklo sa isang binatilyo na biglang tumawid.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nasugatan ang isang 14-anyos na binatilyo nang mabundol siya ng motorsiklo sa Congressional road sa Dasmarinas, Cavite.
Bumagsak ang binatilyo sa kalsada pero nakatayo rin siya kinalaunan.
Rumesponde naman ang mga traffic enforcer sa lugar at nilapatan ng paunang lunas ang tinamo niyang sugat.
Nagkaayos naman umano ang magkabilang panig na sangkot sa insidente.
Samantala, sumalpok sa isang kotse ang isang motorsiklo na may sakay na dalawang tao sa isang intersection sa Don P. Campos Ave. sa Dasmarinas pa rin.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ng angkas sa motorsiklo, habang sumadsad naman ang rider.
Dinala sa ospital ang dalawang sakay ng motorsiklo, at nagkaroon umano ng inisyal na kasunduan sa driver ng kotse.
Sa Aguinaldo Highway naman sa nasabing bayan pa rin, isang lumilikong kotse ang nahuli-cam na sinalpot ng isang motorsiklo.
Halos makatatawid na sa kabilang bahagi ng kalsada ang kotse nang tumama sa likurang bahagi niya ang motorsiklo.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang rider pero ligtas siya.
Batay sa imbestigayson ng pulisya, hindi raw kaagad kumagat ang preno ng motorsiklo dahil basa at madulas ang kalsada sanhi ng pag-ulan.
Nagkausap na umano ang rider at driver ng kotse. --FRJ, GMA Integrated News