Sa "Sumbungan Ng Bayan," dumulog ang isang netizen para sa proseso ng pagkuha ng birth certificate ng nanay niya na 83-anyos na pero wala pa rin ng naturang dokumento.
Ayon kay PSA-Civil Registration Services officer-in-charge Marizza Grande, dapat na kumpirmahin muna ng pamilya sa PSA kung wala talagang kopya ang kanilang ina para makakuha sila ng Negative Certification.
Matapos nito, ire-refer ang Negative Certification sa local civil registry office para masuri kung may record sa lugar ng kapanganakan ang nag-a-apply.
Kung may record sa lugar, ieendorso ito sa PSA para sa muling pagpoproseso at wala nang babayaran.
Pero kung walang record, maaari nang magpa-delayed registration sa local civil registry office ang aplikante.
Kailangan nila itong ipa-advance endorsement sa PSA at magseguro sila ng kopya.
Sinabi ni Grande na maaari pa ring mag-file ng delayed registration ang isang tao kahit patay na ang kaniyang mga magulang, basta mayroon siyang mga public document na susuporta sa facts of birth ng kaniyang magulang.
Kailangan ding mag-file ng affidavit ng two disinterested persons bilang supporting document na may alam at may impormasyon sa kapanganakan ng nag-a-apply.
Ang immediate family naman ang magiging informant sa delayed registration.
Para sa buong detalye ng talakayan at iba pang usapin tungkol sa birth at death certificate, panoorin ang video.
— FRJ, GMA News