Nakauwi na sa bansa ang isang overseas Filipino worker na minaltraro umano ng amo sa Kuwait. Pero ang tulong na ibinigay sa kaniya ng mga kababayan sa airport, ninakaw sa quarantine facility sa Maynila ng kapuwa-OFW.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikitang umiiyak na sumasagot sa tanong ang OFW na si Maribel Cantillo, tubog-Aurora Province.
Nasa Dubai noon si Cantillo para sa stop over nang makita siya ng mga kapuwa Pinoy na umiiyak.
Nag-ambagan ang mga kapuwa OFW para mabigyan siya ng kaunting tulong pero nawalan siya ng malay dahil sa sobrang gutom.
Hindi umano siya pinakain ng dalawang araw ng amo sa Kuwait bago siya dinala sa airport.
“Hindi naman po ako makakuha ng pagkain kasi bakit daw ako kakain? Eh hindi naman daw ako nagtatrabaho,” sabi ni Cantillo.
Sa dalawang taon na magtatrabaho niya bilang kasambahay, hindi raw siya binigyan ng day off. Hindi rin daw sinunod ng kaniyang amo ang napagkasunduan niyang sahod.
Bukod sa magmamaltrato, hindi rin ibinigay ng buo ang dalawang buwan niyang sahod na iuuwi sana niya sa bansa na aabot sa P43,000.
Sa halip, 50 Dinars lang ang ibinigay sa kaniya o halos P8,000.
“Marami po akong ano sa kaniya... mayroon ‘yung itinulak niya ako sa hagdan buti po nasalo ako. Mayroon ‘yung sabuyan ka ng tubig. Marami po akong ano doon pero hindi po ako nagsalita. Tiniis ko lang po,” ani Cantillo.
Nang makauwi sa Pilipinas, nabiktima naman siya ng kaniyang kababayan sa quarantine facility sa Maynila. Kkinuha umano ang perang ibinigay sa kaniya ng mga kababayan na tumulong sa kaniya sa Dubai.
Naiulat na niya sa pulisya ang insidente.
Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat si Cantillo sa ligtas siyang nakauwi, at nagpapasalamat din siya sa mga kapuwa OFW na tumulong sa kaniya.
Tiniyak naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac na tutulungan nila si Cantillo. -- FRJ, GMA News