Sinentensiyahan ng Korte Suprema ng hanggang walong taong pagkakakulong ang isang taksil na mister dahil sa paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act.
Sa desisyon ng Third Division ng SC, na inilathala noong nakaraang linggo, ibinasura nito ang petition for review na inihain ng nasasakdal.
Kasabay nito ay pinagtibay ng mga mahistrado na may kaunting pagbabago ang naunang desisyon ng Court of Appeals. Una nang naglabas ng desisyon ang mababang korte sa Zambales na hinatulan din na nagkasala ang nasasakdal.
Sa pasya ng SC, sinentensiyahan ang mister ng pagkakakulong ng mula sa pinakababang anim na buwan at isang araw, hanggang sa pinakamataaas na walong taon at isang araw.
Inatasan din siyang magbayad ng multa na P100,000 |for causing mental or emotional anguish, public ridicule or humiliation to the woman or her child," na paglabag sa Section 5(i) ng Republic Act 9262.
Kailangan din niyang sumailalim sa psychological counseling o psychiatric treatment at mag-report sa mababang korte kaugnay sa pagsunod na utos ng SC.
Kinatigan ng SC ang desisyon ng CA na may basehan na hatulan ng guilty ang mister dahil sa psychological violence na idinulot ng pagtatalsik niya sa asawa na paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act.
Ayon sa misis ng akusado, naging manginginom at babaero ang kaniyang mister sa loob ng 23 taon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa.
Noong Oktober 2010, pinaalis umano siya at kanilang mga anak ng kaniyang mister sa kanilang bahay. Naiwan sa akusado ang tatlo nilang anak para kombinsihin ito na suportahan sila.
Nalaman kinalaunan ng misis na nag-uwi ng babae sa bahay ang kaniyang mister at ipinakilala ito sa kanilang mga anak bilang tiyahin.
Iginiit ng nasasakdal na hindi makararanas ng psychological violence ang kaniyang misis dahil hindi nito alam ang ginagawa niyang pagtataksil.
Pero sabi ng SC sa desisyon na pinonente ng noo'y Associate Justice Edgardo delos Santos; "In this case, other than bare denials, herein petitioner did not proffer any convincing defense to disprove the testimony of his wife and daughter about his marital infidelity.”
“Indeed, gossip easily spreads in small towns like (the name of the place was not identified). All the more when the hot issue is about a husband bringing his mistress into the family home to live with his children. In this case, the mental anguish suffered by the wife is compounded by public ridicule and humiliation,” ayon sa desisyon.
— FRJ, GMA News