Kasabay ng pagsasampa ng reklamo ng pulisya laban kay Jake Cuenca, inalis naman sa puwesto ang limang pulis na humabol at nagpaputok ng baril sa aktor na may isang sibilyan ang tinamaan.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing batay sa paunang report ng pulisya, mayroong anti-illegal drug operation sa Mandaluyong City ang mga pulis nang mabangga ng sasakyan ni Cuenca ang sasakyan ng mga pulis.
Pero sa halip na tumigil, tumakas daw si Cuenca na siya mismo ang nagmamaneho ng sasakyan.
Dahi dito, hinabol ng mga pulis ang aktor at pinaputukan umano ang gulong ng sasakyan ni Cuenca pero may isang sibilyan ang tinamaan ng bala.
Dahil dito, inalis sa puwesto ang mga naturang pulis na mahaharap sa kasong administratibo, ayon kay Eastern Police District (EPD) director Police Brigadier General Matthew Bacay.
"Hindi po siya part ng SOP for a police officer to use and discharge a firearm doon sa mga humahabol ng fleeing suspects," anang opisyal.
Tiniyak naman ni PNP chief General Guillermo Eleazar na mananagot si Cuenca dahil sa ginawa na tinawag niyang pambabastos.
"We understand the negative sentiments of our kababayan on this issue but let us not forget why this incident happened in the first place. May isang motorista na imbis na humingi ng paumanhin at panagutan ang kaniyang pagkakamali ay gumawa ng eksenang pang-teleserye at pampelikula," ayon kay Eleazar.
Sinampahan si Cuenca ng reklamong disobedience at reckless imprudence sa piskalya.--FRJ, GMA News