Isang Filipina health frontliner sa New York, USA ang nasawi matapos atakin ng isang palaboy na mayroon umanong kondisyon sa pag-iisip.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Maria Ambrocio, 58-anyos, mula sa Bayonne, New Jersey.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, kagagaling lang daw ni Ambrocio sa konsulado ng Pilipinas kasama ang isang kaibigan noong Biyernes, nang bigla siyang paluin ng salarin na 26-anyos.

Napag-alaman na tumatakas nang sandaling iyon ang salarin matapos na manghablot ng cellphone.

Nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima na pumanaw sa ospital habang ginagamot.

Naaresto naman ang salarin na mahaharap sa mga kasong robbery at murder.

Ayon naman sa Consulate General, naglalakad ang biktima at kaibigan nito malapit sa Times Square nang mangyari ang pag-atake.

"Maria was walking with a kababayan near Times Square after visiting the Philippine Consulate General when she was struck by the suspect who was reportedly being chased after grabbing a mobile phone from someone," nakasaad sa FB post ng Philippine Consulate General.

Nakiramay din si Bayonne, New Jersey Mayor James Davis at humingi ng dasal para kay Ambrocio.

Ayon sa alkalde, si Ambrocio ay isang oncology nurse sa Bayonne Medical Center.

"I’m asking for all Bayonne people to say a prayer for Maria Ambrocio. Maria, an Oncology nurse at Bayonne Medical Center, was viciously attacked in an unprovoked assault by a deranged man in Times Square yesterday. Please keep Maria and her family in your thoughts through these difficult days," anang alkalde sa Facebook. --FRJ, GMA News