Marunong din ba tayong magpakumbaba sa harap ng Diyos katulad ng isang Kapitang Romano? (Lucas 7:1-10).
Marami sa atin ang madaling malasing sa kapangyarihan at malunod sa kasikatan. Kaya ang ilan sa kanila ay lumalaki agad ang ulo at nagiging mapagmataas.
Ang dahilan nito, tinatangay kasi sila ng kanilang popularidad na akala nila ay "forever." Nakakalimutan nila ang salitang "humility" o ang pagpapakumbaba.
Matutunghayan natin sa Mabuting Balita (Lucas 7:1-10) ang kuwento ng isang Kapitang Romano na may alipin na nasa bingit ng kamatayan dahil sa karamdaman. (Lk. 7:2)
Nang mabalitaan ng Kapitan ang tungkol kay Hesus, siya ay nagsugo ng ilang tauhan para pakiusapan si Kristo na pagalingin ang kaniyang alipin na malapit sa kaniya. (Lk. 7:3).
Mababasa natin sa kuwentong ito kung papaanong nagpakumbaba sa harap ni HesuKristo ang nasabing kapitan sa kabila ng kaniyang mataas na katungkulan. (Lk. 7:6-8)
Ipinasabi ni kay Hesus na, "Hindi siya karapat dapat na puntahan pa sa kaniyang tahanan. Ni hindi rin siya karapat dapat na humarap kay Hesus. Ngunit magsalita lamang siya ay gagaling na ang kaniyang alipin."
Ang mga salitang ito ng Kapitan sa Pagbasa ay isang malinaw na mensahe para sa ating lahat na wala tayong maaaring ipagmalaki sa harap ng ating Panginoong Diyos.
Nang mga sandaling iyon na nasa bingit ng kamatayan ang kaniyang alipin, batid ng kapitan na wala nang mas mataas pa kay Kristo na nag-iisang Anak ng Diyos.
Mayroon man siyang kapangyarihan bilang isang mataas na opisyal, wala naman siyang kapangyarihan na pagalingin ang mga maysakit. At tanging ang Anak ng Diyos lang ang makagagawa.
Hinubad ng kapitan ang kaniyang mataas na katungkulan at itinuring ang kaniyang sarili na isang ordinaryong tao. Nagpakakumbaba siya sa harap ni Hesus para sa kapakanan ng isang alipin.
Katulad ng kapitan sa Ebanghelyo, marunong rin ba tayong magpakumbaba sa kabila ng tinatamasa nating kasikatan, kayamanan at iba pang uri ng tagumpay? Alam pa kaya natin ang kahulugan ng pagpapakumbaba o nalunod na rin tayo ng ating sariling tagumpay na batid nating hiram lamang sa atin ng Panginoon?
Tandaan natin na ang anomang bagay na mayroon tayo ngayon, ang lahat ng mga bagay na iyan ay ipinahiram lamang sa atin ng Panginoong Diyos.
Sa ginawang pagpapakumbaba ng kapitan, namangha si Hesus kaya't humarap siya sa napakaraming taong at sinabing, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
Pagbalik sa bahay ng mga tauhan ng kapitan na isinugo niya kay Hesus, naratnan nila na magaling na ang alipin.
Lagi nating pasalamatan ang Diyos dahil kung hindi dahil sa kaniya hindi tayo magiging kung anoman tayo ngayon. Iyan ay utang natin sa kaniya katulad ng ipinamalas ng Kapitang Romano.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, nawa'y matutunan po namin ang magpakumbaba dahil hindi rin po kami karapat dapat dahil sa aming mga pagkakasala. Ipinagpapasalamat po namin dahil kung hindi sa Inyo hindi namin matatamo ang mga biyayang tinatamasa namin ngayon. AMEN.
--FRJ, GMA News