Sa kabila ng sakit na epilepsy, nagawa ng 10-taong-gulang na si Lester Bulsoc na magsikap sa pag-aaral kaya siya naging consistent honor student. Pero isang matinding trahedya ang sinapit niya nang masunog ang malaking bahagi ng kaniyang katawan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," madidinig ang malakas na iyak ni Lester nang buhatin mula sa kama at ilagay sa lamesa para linisin ang tinamong lapnos sa kamay, hita, binti, puwet at paa.
Mas lalo pa siyang nagsisigaw at umiyak nang sinimulan nang linisan ang kaniyang mga sugat.
Paboritong subject daw ng bata ang math ay siya dapat ang kinatawan ng kanilang paaralan sa math and science Quiz B contest.
Ngunit nangyari nga ang trahediya na kinailangan siyang isugod sa ospital dahil sa third degree burn na kaniyang sinapit sa pagkakasunog.
Ayon sa duktor, malubha ang kalagayan ni Lester nang dalhin sa ospital, at apat na operasyon ang kaniyang pinagdaanan.
Dahil dumadami ang kaso COVID-19 sa ospital, kinailangang i-discharge si Lester para sa kanilang bahay na muna magpagaling at ipagpatuloy ang paglilinis ng kaniyang mga sugat.
Bukod sa sakit na nararanasan dahil sa pagkakasunog ng katawan, halos apat na beses pa kung sumpungin ng epilepsy si Lester sa isang araw.
Ngunit sa kabila ng kaniyang pinagdadaanan, umaasa si Lester na isang araw ay maipagpapatuloy niya ang kaniyang pag-aaral at muling maging honor student.
Ano nga ba ang dahilan ng pagkakasunog ni Lester, at bakit siya inaatake ng epilepsy? Tunghayan ang nakaaantig niyang kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News