Ilang linggo matapos maitampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kuwento ni Alvin Bachli na nawala noong 1989, ilang pamilya ang nagpahayag na posibleng sila ang hinahanap nitong kaanak. Matapos na kaya ang paghahanap ni Alvin, na 38-anyos na ngayon.
Naninirahan na ngayon si Alvin sa Australia matapos siyang ampunin ng isang Pinay teacher at asawa nitong Australyano na hindi magkaanak.
Ayon kay Alvin, mula nang maitampok ang kaniyang kuwento sa paghahanap sa kaniyang tunay na kaanak sa Metro Manila, marami ang nagpapadala ng mensahe sa kaniya pero hindi niya kaagad sinagot.
Kuwento noon ni Alvin, anim na taong gulang lang siya nang mawala matapos siya matapos ayahin ng mga kaibigan na maglakad. Pero hindi na siya nakauwi matapos silang maligaw at iniwan pa ng mga kaibigan.
May nakakuha sa kaniyang jeepney driver hanggang sa madala siya sa Bulacan, at mapadpad sa kanlungan ng mga bata sa Angele City sa Pampanga.
Kinalaunan ay inilagay na siya sa listahan na for adoption nang wala nang naghahanap sa kaniya.
Dito na siya inampon ng Pinay teacher at dinala siya sa Australia.
Doon na rin nagkaroon ng bagong buhay si Alvin, at naging matagumpay sa buhay.
Gayunman, hinahanap-hanap pa rin ni Alvin ang kaniyang tunay na pamilya.
Nang maitampok ang kaniyang kuwento sa "KMJS," dito na may nagpakilalang posibleng mga kamag-anak niya. Ang isa sa mga ito ang nakapagbigay ng ilang impormasyon na hindi niya inasahan na naging dahilan para siya maging emosyonal.
Makabalik na nga kaya si Alvin sa kaniyang tunay na pamilya? Panoorin ang nakaantig na kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News