"Anong nangyayari sa akin bakit ang lalim ng hugot ko?" Natatawang sabi ni Jak Roberto nang mapansin ang ibinigay niyang payo tungkol sa pagpasok sa isang relasyon.
Sa panayam sa "At Home with GMA Regional TV" nitong Lunes, ikinuwento ni Jak ang tungkol sa istorya ng bago niyang project na "Stories For The Heart: Never Say Goodbye," kasama sina Klea Pineda at Lauren Young.
Kuwento ni Jak na gaganap na nursing student sa show, relatable ang istorya nito na tungkol sa pagsasakripisyon sa pamilya at sa pag-ibig.
Nabanggit din ni Jak na 13-years-old lang siya nang magkaroon siya ng first love at hindi lang basta puppy love.
Sabi pa ni Jak, isang lalaki na may simpleng pangarap lang daw ang karakter niyang si Bruce, na magiging caregiver sa abroad at doon magkakaroon ng pagbabago sa kaniyang buhay hanggang sa makabalik siya ng Pilipinas.
Dito na natanong si Jak tungkol sa pagpasok sa relasyon at natutunan na lang mahalin ang isang tao.
"Mahirap 'yon. Kung hindi ka pa nakaka-move on sa isang tao, mali na pumasok sa isang relasyon o sa isang tao na hindi pa buo yung pagmamahal mo sa kaniya," seryosong sabi ni Jak na nobyo ng Kapuso actress na si Barbie Forteza.
"Naniniwala ko sa... dapat pure yung love mo palagi. Walang halong... dahil magkakaroon ng comparison 'yan. Lagi mong iko-compare yung ex mo sa present mo," patuloy niya na biglang napaisip.
"Anong nangyayari sa akin, bakit ang lalim ng hugot ko?" natatawa niyang puna sa sarili.
Ayon kay Jak. sa Oktubre mapapanod sa afternoon prime ang "Stories For The Heart: Never Say Goodbye." --FRJ, GMA News