Parang bata raw na inalagaan at pinalaki ng isang lola sa Pio Duran sa Albay ang kaniyang dambuhalang bola na gawa sa tinunaw na mga kandila na aabot na sa 62 kilo ang bigat.
Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni 86-anyos na si Lola Leona Casais, na 38-anyos pa lang siya noong simulan niya ang pagbuo sa naturang bola ng tinunaw na mga kandila.
Sa simula, naghanap daw siya ng bato na ginawa niyang pinakapundasyon ng bolang kandila. At pagkalipas ng maraming taon, ang nabuo niyang bolang kandila, may bigat na ngayon 62 kilo at taas na 23.5 inches.
Miyembro na raw ng pamilya ang turing niya sa bolang kandila dahil sa ginawa niyang pag-aalaga rito. Nasaksihan din niya ang paglaki nito na parang isang bata.
At ang bolang kandila, tila mayroon daw kapangyarihan dahil tinutupad nito ang kaniyang mga kahilingan.
"Naniniwala ako na nagbibigay siya ng suwerte sa akin," sabi ni lola Leona, na sa kaniyang edad ay wala raw siyang malubhang karamdaman.
Ang ilan sa mga kandilang tinunaw at inilagay dito ay ginamit sa mga mahalagang okasyon sa pamilya tulad ng mga kaarawan.
Maging ang kandilang ginamit nang pumanaw ang mga mahal niya sa buhay tulad ng mga apo at kaniyang asawa, kasama sa naturang bola.
Pero bakit nga ba naisipan ni Lola Leona na gumawa ng bolang kandila at hindi tinigilan hanggang sa lumaki na?
At papayag kaya siya na isali ang kaniyang bolang kandila sa Guinness World Records upang subukan kung makukuha record na pinakamalaking bola na gawa sa tinunaw na kandila? Panoorin ang buong kuwento sa video.
--FRJ, GMA News