Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng limited face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang kaso ng hawahan ng COVID-19, ayon sa Malacañang.
Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ang Department of Health at Department of Education, ang tutukoy sa mga lugar na papayagan ang face to face class.
Pero gagawin lang ang in-person classes sa "half a day every other week."
"Kailangan may suporta ng local government units sa pamamagitan ng resolution o letter of support at kinakailangan po merong written support and consent ng mga magulang," ayon kay Roque.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, nitong Lunes bago magtanghali inaprubahan ni Duterte ang rekomendasyon ng limited face-to-face classes.
"This is wonderful, this is a great day tungkol sa edukasyon dito sa ating bansa," anang kalihim.
Sa ilalim ng panuntunan, sinabi ni Briones, na ang 12 estudyante lang ang papayagan sa Kindergarten classes, habang 16 na estudyante naman sa Grade 1 to 3.
Maaari naman na hanggang 20 mag-aaral ang dumalo sa technical vocation classes.
"Para magkaroon ng space for distancing," paliwanag niya.
Dapat tumagal lang ng hanggang tatlong oras ang bawat klase sa Kinder hanggang Grade 3.
Sa ngayon, sinabi ng kalihim na mayroong 100 public schools at 20 private schools ang maaaring magsagawa ng limited face-to-face classes.
"Kung safe ang pilot and it is effective then we will gradually increase. Pero ang mahalaga dito bantayan natin kung ano ang risk assessment. 'Pag may pagbabago sa risk assessment then talagang titigilin natin," ani Briones.
Sa School Year 2021-2022, sinabi ni Briones na umabot sa 28 milyon estudyante ang nag-enroll, mas mataas sa 26.2 milyon noong nakaraang taon.
"Ito ay nagpapakita na nakikinig sila sa paliwanag ng ating department at tinatanggap nila ang strategy at approach namin, 'yung blended learning," saad niya.—FRJ, GMA News