Kahit hindi muna makabibiyahe sa Japan dahil sa travel restrictions, maaari pa ring matikman ang "flavors of Japan" tulad ng imagawayaki at okonomiyaki sa Marikina. At ang nagtitinda nito, umaabot umano sa P50,000 kada buwan ang kita.
Sa "Pera Paraan," ipinakita ni Christopher Dalida, may-ari ng Mr. Hotbake-Japaneses Cake, ang paggawa ng Imagawayaki (Tokyo area) at Obanyaki (Osaka and Kyoto area), o magkapatong na pancake na may palaman sa loob.
Mayroon silang walong flavor na cheese, chocolate, bavarian, ube, dulce de leche, strawberry, blueberry at mango.
Mula sa puhunang P3,000 hanggang P5,000, kumikita na siya ngayon ng P60,000 hanggang P80,000 sa gross sales. Kaya meron siyang neto na P30,000 hanggang P50,000 kada buwan.
Apat na rin ang kaniyang stalls sa NCR at Cavite.
Samantala, kumikita naman ng P25,000 hanggang P30,000 kada buwan ang Okonomiyaki o pancake na may repolyo na ibinibenta ni Limuel Tagasa, owner ng Japinas Takobites.
Bago nito, 13 taon nagtrabaho sa Japan si Limuel kaya pamilyar siya sa mga pagkain ng Hapon. Sa ngayon, nasa Japan ang kaniyang partner kaya nanggagaling doon ang lahat ng kanilang ingredients.
Alamin kung papaano gawin ang Japanese cake. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News