Ikinuwento ng Pinay na si Raine Cruz ang kaniyang karanasan nang manalo siya sa pa-contest na announcer ng World Wrestling Entertainment. Pero bago nito, nagbakasali muna siyang maging bahagi ng local wrestling shows, kung saan "aksidente" siyang naging announcer.
Sa "Mars Pa More," inilahad ni Raine na nagpa-contest ang WWE para sa ring announcer nitong Agosto, at hindi na siya nag-atubili pang sumali dahil pangarap niya talagang makatapak sa WWE ring.
"Hindi ko po akalain na mapipili ako kasi, you know kapag nag-search ka ng hashtag and then hindi mo mahanap 'yung post mo, nininerbyos po ako roon eh," ayon kay Raine.
"So hindi ko po talaga akalain na mananalo ako kasi 'yung una ang iniisip ko 'Oh my gosh 'yung videos ko hindi siya 'yung parang top 10 videos. Kaya medyo hindi ako sure. Kaya noong nalaman ko po na nanalo po ako, hindi po talaga ako makapaniwala," pagpapatuloy niya.
Kaya nang maabot ang kaniyang pangarap, hindi raw nakaramdam ng kaba si Raine sa kaniyang pag-aanunsyo sa WWE ring.
"Sa totoo lang hindi po ako kinabahan kasi sa akin, talagang pinakahihintay ko po 'yung moment na 'yun. So noong nandoon na ako sa ring naalala ko lang, I asked the ring announcer next to me Mike Rome, 'Hey can I wave to everyone?''Cause like for me, doon ko naramdaman na 'Okay, ito 'yung pinapangarap mo, andito ka na. So i-recognize mo 'yung naging achievement,'" sabi niya.
"And at the same time I remember noong kumakaway ako, naisip ko lang, 'Oh my God, thank God! Thank God!" dagdag pa ni Raine.
Bago nito, nagtrabaho si Raine bilang researcher sa Reporter's Notebook, hanggang sa lumipad na siya pa-Amerika.
Doon, nagsimula siya na maging bahagi ng local wrestling shows bilang interviewer ng mga wrestler nitong nakaraang Pebrero lang.
Pagbabalik-tnaw ni Raine, may isang pagkakataon na bumiyahe siya ng apat na oras para sa isang wrestling event, pero nakansela ang interview niya sa isang wrestler.
Para hindi masayang ang malayong biyahe niya, tinanong niya ang namamahala sa show kung mayroon siyang ibang puwedeng gawin.
"'Well we don't have a ring announcer,'" sabi ng promoter kay Raine. "Can I try?," sagot naman niya at doon na nagsimula ang karanasan niya bilang ring announcer.
Isang buong gabi na naging announcer si Raine at hindi iyon ang naging huli.
"Sabi niya sa akin 'Great job Raine!' And then 'yung mga sumunod nang show, lagi na niya akong binu-book as ring announcer," masayang kuwento niya.
"Para sa akin, nangyari siya by accident, na hindi ko po alam na kaya ko pala siyang gawin. Para sa akin game lang po ako kasi 'yun lang talaga 'yung gusto ko, maging part ng show," patuloy niya.--FRJ, GMA News