Dahil sa pagmamahal nila sa mga lumang gamit, hindi maiwasan ng ilang tao na magtabi o itago ang mga ito kahit na hindi na mapakikinabangan. Ngunit ang hoarding, indikasyon nga ba ng isang mas malala pang kondisyon?
Sa "Hoarding" na ulat ni Kara David sa "Brigada," ipinakita sa Tiktok video ni Bengs Escaño ang samu't saring abubot nila sa bahay na tinatabi pa rin ng kaniyang ina tulad ng tupperware, paper bag at kahon ng TV.
May gawain din ng hoarding si Nanay Loreta Maguelang, 67-anyos, may negosyong sari-sari store at barber shop.
Ilan sa kaniyang mga itinatabi pa ang mga orasan na iba-iba ang timezone, tasang inaalikabok, Christmas decoration, puka shells na inaagiw, mga plato at kubyertos at mga TV.
Sa kaniyang bodega, makikita pa ang mga upuang rattan, kaldero at batalya ng bisikleta. Meron din siyang isa pang bodega na punong-puno rin ng mga gamit.
"Mapagmahal po ako ng gamit. 'Pag nilinis ko maganda na naman ulit. O 'di masaya ako. 'Pag tinapon ko hindi na ako mabibigyan ng kasiyahan," sabi ni Nanay Loreta.
Pero napag-alaman na noong 1997, nilamon ng apoy ang bahay nina Nanay Loreta, at hindi nakaligtas ang dalawang taong gulang niyang anak.
"Matagal din po akong hindi nila makausap kasi naaalala ko 'yung anak ko, hindi na siya muling babalik. Noong naka-move on ako, naidaan ko na lang sa pamili-mili ng mga gamit, doon ako nalibang... Gusto kong maibalik 'yung mga gamit na nawala sa amin," sabi ni Nanay Loreta.
"When it comes to a point na hindi mo ma-manage 'yung pagkolekta mo ng mga bagay-bagay at talagang tinatambak mo lang, tapos padami nang padami siya, nagpa-pile up siya to the point na talagang unmanageable na 'yung environment mo and it becomes a hazard, then it becomes a disorder," sabi ng psyhologist na si Camille Garcia.
Paliwanag pa ni Garcia, karaniwan sa mga Pinoy ang nakararanas ng hoarding disorder dahil sa mga sakuna.
Tunghayan sa Brigada ang kuwentong hoarding ni Nanay Loreta, at kung paano niya sinimulang pakawalan na ang ilan sa kaniyang mga lumang gamit. Panoorin.
--FRJ, GMA News