Sa pag-usbong ng career ni Lloyd Cadena bilang isa sa mga pioneer vlogger sa bansa, isinama niya sa kaniyang pag-angat ang grupong Bakla Ng Taon o BNT. Paano tinanggap ng grupo ang biglang pagpanaw ni Lloyd, at paano nila ipinagpapatuloy ang magandang naiwan ni "Kween LC" para sa kanila?
Sa "Stories of Hope," ipinakita ang isa sa clips ng BNT Productions kung saan inilahad ni Lloyd o "Kween LC," na nagsimula ang BNT nang makitaan niya ng potensyal ang mga kabataan sa isa sa kanilang shooting.
"Sobra pong hirap ng buhay before noong hindi namin kilala pa and hindi close si Kuya Lloyd. Taong-kalye po kami, sa tanghali sobrang tirik po ang araw, nangangalakal po kami. After ng pagkakalakal namin bumibili kami ng pagkain," sabi ni Jessica Absalon.
Ayon kay Jessica, diretsahan sila kung pagsabihan ng kanilang Kuya Lloyd para pag-igihan nila sa buhay.
Mula sa pagiging extra sa mga video ni Kween LC, nagkaroon na rin ang BNT ng sariling YouTube account at mayroon na ngayong mahigit 1.5 milyong subscribers.
Tila pamilya na rin ang samahan ng Bakla ng Taon, at wala silang tinatagong mga sikreto sa isa't isa, ayon kay Jessica.
Ngunit noong Setyembre 4, 2020, biglang pumanaw si Lloyd dahil sa komplikasyon na dulot ng COVID-19.
"Totally huminto 'yung mundo, 'yung oras. Bigla pong tumulo na 'yung luha ko, tapos sobrang hagulgol na po no'n," sabi ni Jessica.
"Sobrang sakit po kasi hindi ko po akalain na ganu'n kabilis po atsaka kabigla 'yung mangyayari kay kuya Lloyd. Hindi ko po inaasahan," dagdag pa niya.
Itinuturing ng BNT na higit pa sa isang kaibigan si Lloyd.
"Binago niya po kami, binigyan niya po ng tamang direksyon 'yung buhay namin. Sobra niya pong pinaintindi sa amin kung ano 'yung goals namin sa buhay, 'yung dapat naming i-priority in life," ani Jessica.
Balikan sa "Stories of Hope" kung paano nananatiling inspirasyon ng BNT si Lloyd para magpatuloy sa buhay at abutin ang kanilang mga pangarap.
--FRJ, GMA News