Arestado dahil sa reklamong panghahalay ng isang 14-anyos na babae sa Cebu City ang dating Pinoy boxing champion na si Albert Pagara. Pero ayon sa pulisya, mariing itinanggi ng suspek ang bintang.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nag-aalaga ng anak ni Pagara ang biktima.
Nangyari din daw ang panghahalay sa mismong bahay ni Pagara, ang dating WBO Intercontinental super bantamweight champion.
Nagsumbong daw ang biktima sa mga opisyal ng Barangay Inayawan, na kaagad naman nagsagawa ng operasyon at pinuntahan si Pagara.
Kusa namang sumama sa mga opisyal ng barangay si Pagara, at kinalaunan ay dinala ang boksingero sa himpilan ng pulisya kung saan siya nakadetine ngayon.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Wilbert Parilla, Deputy City Director for Operation ng Cebu City Police Office, itinanggi ni Pagara ang akusasyon.
Sinubukan na makuha ang panig ni Pagara pero tumanggi siya, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News