Inaprubahan ng pamahalaan ng Pilipinas na amyendahan ang Emergency Use Authorization (EUA) ng Moderna COVID-19 vaccine para payagan na magamit na rin ito sa mga nasa edad 12 hanggang 17.
"After a thorough evaluation by our vaccine experts and our regulatory experts in FDA, we approved this Friday the use under EUA of the Moderna vaccine for adolescents aged 12 to 17," ayon kay Director General Eric Domingo ng Food and Drug Administration (FDA) sa ginanap na Laging Handa public briefing nitong Biyernes.
Nagsumite ng aplikasyon ang Moderna para EUA amendment sa FDA noong August 19.
Gayunman, nagpaalala si Domingo tungkol sa rare cases ng "myocarditis" sa Moderna vaccine, na nangyayari din sa iba pang katulad na mRNA vaccines.
Ayon sa opisyal, one in a million ang kaso ng myocarditis at mas nakikita sa mga kabataang lalaki.
"But definitely with the Delta variant affecting a lot of children, our experts saw that the benefit of using the vaccine outweighs the risk," paliwanag niya.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, ipinaliwanag ni Domingo na ang myocarditis ay pamamaga ng heart muscle. Magagamot umano ito kapag nakita kaagad.
Sinabi rin ng opisyal na itatakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at ng Department of Health, ang priority group sa mga edad 12-17 na puwede nang magpabakuna.
Pinag-aaralan umano kung papayagan ang mga adolescents with comorbidities na mabakunahan na. Posible umano itong gawin sa Oktubre o sa fourth quarter ng 2021.
Kasama sa children with comorbidities ay may obesity, high blood, diabetes, at congenital o metabolic disorders, ayon kay Domingo.
Idinagdag niya na ang side effect ng bakuna sa mga bata ay "mild" kumpara sa mga mas matanda. Kabilang dito ang mild pains at fever.
Nauna nang sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., na kapag pinayagan na ang pagbabakuna sa mga edad12 hanggang 17, posibleng isagawa ito sa September o October depensa dami ng vaccine supply.
Sinabi din ni Domingo na ang Moderna doses na dumating sa Pilipinas ay hindi ka-batch ng mga iniimbestigahan na kontaminadong doses sa Japan. —FRJ, GMA News