Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na mga tauhan nila ang dalawang rider ng motorsiklo na nakuhanan ng video na mistulang nag-e-exhibition sa national highway sa Zambales.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, mismong si PNP chief Police General Guillermo Eleazar ang tumawag sa dalawang pulis na "kamote riders" at "payaso riders."

Kinilala ang dalawang pulis na sina Police Chief Master Sergeant Israel Bondoc at Police Master Sergeant Manuel Tolentino, na nakatalaga sa Police Regional Office 3.

“Kaagad namang nakilala ang dalawang ito at nakumpirma namin na sila nga ay mga pulis,” ayon kay Eleazar.

Inatasan niya ang Regional Director at Highway Patrol Group na imbestigahan ang insidente bilang bahagi ng disciplinary action sa mga tauhan.

Sa viral na social media post, makikita ang dalawang rider na pulis na hinahawi pa ang mga nakakasalubong na sasakyan habang gumagawa ng "stunts" sa pagpapatakbo nila ng motorsiklo.

Ayon sa mga netizen, malinaw na nilabag ng dalawang pulis ang mga batas road safety.

Sinabi ni Eleazar na mapanganib ang ginawa ng kaniyang mga tauhan at maaaring makapandamay ng ibang tao kapag nagkaroon ng aksidente.

“Let this serve as a warning that we will not tolerate this kind of misbehavior because as police officers, we should serve as the role models in abiding the laws that include traffic rules and regulations,” ayon sa opisyal. --FRJ, GMA News