Kayod-kalabaw pa rin sa pagtitinda ng ice cream ang isang lola para suportahan ang mga miyembro ng kaniyang pamilya na tinamaan ng mga sakit sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa GMA News "Unang Hirit," ipinakilala ang breadwinner na lola na si Angeles Merin, 73-anyos.
Nakilala si Lola Angeles matapos mag-viral ang isang post kung saan maraming netizens ang napahanga sa lakas at kasipagan niya.
Iba't ibang barangay ang sinusuyod ni Lola Angeles para maibenta ang kaniyang ice cream.
Siya ang tumatayong breadwinner matapos ma-stroke ang kaniyang asawa.
Hirap namang magtrabaho ang anak niya na kasama niya sa bahay dahil sa iniindang sakit, pati ang asawa nitong na-stroke rin.
"Mahirap magtinda ng ice cream dahil bukod sa ikot ka nang ikot sa malayo, mabigat pa 'yung dala mo. Kaya lang tinitiis ko na lang 'yan kasi 'yan lang naman ang pinagkakakitaan ko," sabi ni Lola Angeles.
Sinabi ni Lola Angeles na nadulas na siya minsan kaya hindi na niya maunat ang kaniyang kamay.
Nang handugan na siya ng "Unang Hirit" ng munting handog dahil sa kaniyang kasipagan, hindi napigilan ni Lola Angeles na maging emosyonal. Panoorin.
--FRJ, GMA News