Makalipas ang isang taon, nagbalik sa Puerto Galera si Kuya Willie Revillame at ang "Wowowin-Tutok to Win" para patuloy na maghatid ng saya at tulong sa mga Kapuso saan mang panig ng mundo.

Sa episode ng programa nitong Miyerkoles, makikita ang bagong set-up na studio ng programa sa private resort ni Kuya Wil sa bayan ng Palangan.

Tiniyak naman ni Kuya Wil na sumunod sila sa quarantine protocols at sumulat sa mga ahensiya ng pamahalaan para payagan silang makapag-show sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.

Kabilang sa mga sinulatan ni Kuya Wil ang Mayor ng Puerto Galera na si Rocky Ilagan, ang Department of Health at Department of the Interior and Local Government (DILG).

"Lahat po ito bago ako magdesisyon, gumagawa po muna kami ng paraan, nakikipag-usap po ako sa pamahalaan, sa ating gobyerno..." sabi ni Willie.

"Sasabihin 'Bakit pinapayagan?' Hindi po. Dumaan po kami sa protocols at lahat po kami, nag-RT-PCR at awa ng Diyos, thank you Lord, kami ni Direk Randy (Santiago) negative naman kami," dagdag pa ni Kuya Wil.

Nang isailalim muli sa mahigit na enhanced community quarantine ang Metro Manila dahil pagdami na naman ng kaso ng COVID-19, lumipat sa pagpoprograma si Kuya Wil sa Clark International Airport.

Kasunod nito ay nag-isip umano si Kuya Wil ng bagong lugar kaya bumalik sila sa Puerto Galera na nasa modified general community quarantine.

Matatandaang noong nakaraang taon, sinimulan ni Kuya Wil sa Puerto Galera ang pag-live ng "Tutok To Win" sa pamamagitan pa lang ng Facebook at YouTube nang unang ideklara ang ECQ sa bansa.

Nasa Puerto Galera noon si Kuya Wil at doon inabutan ng ECQ kaya hindi kaagad siya nakabalik ng Metro Manila. (WATCH: Kuya Wil, nagbigay ng kaniyang saloobin sa umiiral na 'community quarantine')

Dahil sa kagustuhan niyang tumulong sa mga nagigipit dahil sa pandemic, kahit nasa Puerto Galera ay naisipan ni Kuya Wil na simulan ang "Tutok To Win" sa social media, na kinalaunan ay naipalabas na rin sa telebisyon.  (Watch: Kuya Wil, nag-enjoy sa kaniyang kauna-unahang online 'show' na 'Tutok To Win').

--FRJ, GMA News