Matapos iwan ang showbiz at lumipat sa Amerika, ikinuwento ng dating sikat na action star na si Dante Varona na nagtrabaho siya doon bilang janitor at security guard.
Sa vlog na The Wander Mamas nila LJ Moreno at Rufa Mae Quinto, sinabi ng dalawa na aksidente nilang nakita si Dante sa isang grocery store kaya sinamantala na nila ang pagkakataon na makakuwentuhan ang binansagan noon na "King of Stunt."
Kabilang sa mahigit 100 pelikula na ginawa ni Dante ay Hari ng Stunt, Ermitaño, Kung Tawagin Siya’y Bathala, at The Raging Anger at Bangkay Mo Akong Hahakbangan.
Pero ang pinakatumatak sa mga ginawa niya ay ang pagtalon niya sa San Juanico Bridge sa Samar, Leyte para sa pelikulang Hari ng Stunt noong 1981.
Sa isang episode noon ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang kinagigiliwang lalaki sa Leyte na kapangalan ni Dante Varona.
Ayon sa tunay na Dante Varona, iniwan niya ang showbiz dahil nagkagulo sa movie industry kung saan pinasok din niya ang pagpo-produce ng pelikula.
“Maliit akong producer, nag-produce ako. Yung Bathala Films, akin ‘yon. Ngayon, nai-book ko na yung pelikula ko. Siyempre, 'pag maliit kang production, yung booking mo, madadaganan. Kaya ako, nagpunta ako rito. Ayoko na," saad niya.
Sa pagdating niya sa Amerika, may nakilala siyang may-ari ng janitorial services at doon na siya napasok sa pagiging janitor.
“Binigyan kami ng isang account, ang Chamber of Commerce sa L.A. Kami naglilinis nun. Unang araw namin dun, biruin mo ang laki-laki nung opisina, biruin mo may mop pala silang ginagamit. Ako, kinakamay ko yung dun. Hindi ko nga alam [paggamit sa mop]," natatawang kuwento niya.
Matapos ang matagal na pagtatrabaho bilang janitor, nalipat naman siya sa pagiging security personnel hanggang sa magretiro na siya.
Pero hindi naman daw humawak ng baril si Dante sa pagiging security personnel.
“Kasi pag may baril ka, imbes na yung magnanakaw hindi ka babarilin, babarilin ka, kasi may baril ka. Kung wala, pababayaan ka lang. Kasi ang security, observe and report lang," paliwanag niya.
Sa ngayon, kampante na si Dante sa kaniyang simpleng buhay sa Amerika kasama ang kaniyang pamilya at mayroon na rin siyang mga apo.
Hindi na rin daw niya hinahanap-hanap ang pag-aartista.
Katunayan, may mga kababayan daw na gumawa ng pelikula na kinukuha siya pero tinatanggihan niya.
Pero pag-amin ni Dante, gaya ng hindi niya inaasahang na magiging artista siya, hindi niya rin daw inaasahan na maninirahan siya sa Amerika.
Hinangaan naman nina Rufa Mae at LJ si Dante nang malaman nila na ang pagiging "good boy" ng aktor dahil sa kabilang ng pagiging sikat na action star niya ay naging tapat siya sa kaniyang maybahay.--FRJ, GMA News