Arestado sa follow-up operation ang isang pulis nang tumawag siya sa isang drug suspect na kakahuli pa lang ng mga operatiba ng Mandaluyong police para hingin umano ang kita sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "Saksi," kinilala ang nadakip na pulis na si Police Staff Sergeant Manuel Bien, na nakatalaga sa Police Security and Protection Group sa Camp Crame.
Ayon sa pulisya, bago ang pag-aresto kay Bien, nagsagawa muna ng anti-illegal drug operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa isang suspek.
Sinabi ni Police Colonel Gauvin Unos, Hepe ng Mandaluyong Police, na habang dinadala ang suspek sa presinto, may tumawag dito at hinihingi ang kita sa bentahan ng ilegal na droga.
Kaya naman isinagawa ang follow-up operation at hindi umano inasahan ng mga pulis na isang kabaro nila ang kanilang madadakip.
Sa pagsusuri sa record ni Bien, natuklasan na may intelligence report noon 2019 na nagsasaad na sangkot siya sa ilegal na droga.
Posibleng hindi umano sapat ang ebidensiya laban kay Bien noon kaya hindi nakakasuhan.
Sinampahan na ng patong-patong na kaso si Bien.
Iniutos naman ni PNP Chief General Guillermo Eleazar, na simulan na ang summary dismissal proceedings laban kay Bien at sa isang pang pulis sa Maynila na sangkot naman sa pagpatay sa isang negosyante.
Iniutos din niya kay Major General Albert Ignatius Ferro, director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na palitan, disarmahan at ilagay sa restrictive custody ang lahat ng tauhan ng Quezon City Field Unit habang iniimbestigahan matapos silang masangkot sa extortion.--FRJ, GMA News