Kahit napapanood sa pelikula at telebisyon na nagpapatawa, puno pala ng drama ang buhay noong kabataan ni Pokwang. Ang aktres, naranasang naglako ng mga paninda sa kalye at simbahan, at namasukang kasambahay para makapag-aral.
Sa episode ng "Tunay Na Buhay," sinabing Marietta Subong ang tunay na pangalan ni Pokwang. Mula siya sa lalawigan ng Rizal at pang-siyam sa 12 magkakapatid.
Para makatulong sa pamilya, sinabi ni Pokwang naranasan niyang maglako ng iba't ibang paninda sa Antipolo.
"Noong araw 'yan sa Hinulugang Taktak nagtitinda kami diyan ng softdrink, ng mga kakanin. Kung ano yung mga panghanapbuhay, pangsapin na diyaryo," kuwento niya.
"Sa simbahan naman, magtitinda kami ng sampaguita, suman, kasoy," patuloy ng aktres.
Dahil madami silang magkakapatid, ipinaliwanag ni Pokwang na may pagkakataon na tumitigil ang iba sa kanila sa pag-aaral noon elementarya para pagbigyan ang mas mga kapatid para makahabol.
Kaya naman daw nagpapang-abot o may pagkakataon na nagkakasabay-sabay sila sa baytang o grade sa elementarya.
Para maipagpatuloy naman ang pag-aaral sa high school, sinubukan niyang mamasukan bilang kasambahay nang walang sahod.
"Namasukan ako bilang kasambahay, wala akong suweldo. Pero pag-aaralin ako ng amo ko kasi yung amo ko titser din sa Rizal High School," kuwento niya.
Lingid sa kaalaman ng kaniyang mga magulang, nagpaplano pala si Pokwang na magpunta sa Japan para magtrabaho.
Kaya nang second year na siya sa high school, nagsimula na siyang palihim na magsanay sa papasukang trabaho sa Japan.
Nang makuha niya ang kaniyang visa, ayaw siyang payagan ng mga magulang na umalis dahil sa bata pa siya.
Pero ipinaliwanag niya na nais na niyang makatulong sa pamilya. At nang makaalis, nagtrabaho siya bilang entertainer, dancer at choreographer sa Japan sa loob ng halos apat na taon.
Tunghayan ang buong kuwento ni Pokwang at ang patikim ng kaniyang dance tutorial. Ipinamalas din ng aktres ang husay niya sa wika ng mga Japanese na Nihongo. Panoorin.
--FRJ, GMA News