Sa programang "Sumbungan ng Bayan," pinag-usapan ng host na si Oscar Oida at bisitang si Atty. Henry Rojas, ang karapatan at mga benepisyo ng mga kasambahay sa Pilipinas.
Ayon kay Oida, nakasaad sa pinakahuling survey ng Department of Labor and Employment at Philippines Statistics Authority, na nasa 1.4 milyon ang nagtatrabahong kasambahay sa Pilipinas.
Binubuo nila ang 3.2 percent ng labor force sa bansa. Pero nasa 21% lang daw ng mga kasambahay ang nakakaalam na mayroong "Kasambahay Law," na ginawa para maprotektahan sila.
Isa sa nilalaman ng naturang batas na dapat magkaroon ng writen employment contract ng kasambahay at ang employer o amo.
Ayon kay Rojas, mahalaga na mayroon kontrata na maglalaan ng termino ng trabaho ng kasambahay. Katulad kung hanggang kailan ang bisa ng kanilang kontrata, sahod, benepisyo, at obligasyon ng kasambahay at maging ng amo.
Bagaman maaari ang kasunduan sa pamamagitan lang ng pag-uusap, mas mabuti pa rin ang nakasulat ang kontrata dahil mahirap patunayan kapag nagkaroon ng problema kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Proteksyon umano ang kontrata para mapatunayan kung masusunod ang mga pinag-usapan o ipinangako ng isa't isa.
Idinagdag ni Rojas na dapat nakasaad ang kontrata sa lengguwaheng mauunawaan ng kasambahay.
Mayroon umanong template o kopya ang DOLE ng kontrata na maaaring i-download para hindi mahirapan ang paggawa ng kasunduan.
Lumitaw din umano sa 83% ng mga kasambahay ang hindi nakatatanggap ng kanilang social security benefits.
Panoorin ang buong talakayan sa video upang alamin ang iba pang benepisyo at insentibo na dapat matanggap ng kasambahay tulad ng 13th month pay at araw ng pahinga.
--FRJ, GMA News