Sa kauna-unahang pagkakataon, ibinahagi ng Kapuso actor na si Anjo Damiles na na-diagnose siya na mayroong depression at severe anxiety sa panahon ng pandemic.

Sa Kapuso Showbiz News, sinabi ni Anjo na na-diagnose siya na mayroong depression at severe anxiety noong June ng nakaraang taon.

Ang hirap i-explain when it comes to mental health... suddenly it breaks you down," anang aktor na nagpasalamat dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na maibahagi ang kaniyang pinagdaanan.

"May point ako na nag-snap na lang po ako. Nawala ako sa tamang pag-iisip and it was sad to see na ganun," emosyonal na patuloy ni Anjo.

Sa tulong kaniyang pamilya, psychiatrist, gamot at pananalig niya sa Diyos, bumuti na raw ang kaniyang pakiramdam.

"Naiiyak ako. Kasi ang hirap niyang i-explain, ang hirap niyang ikuwento. I never told this to anyone," sabi pa niya.

Sadya raw mahirap para sa isang tao na laging abala sa mga gawain at trabaho na bigla na lang matitigil at walang gagawin dahil sa pandemic.

Bukod sa gamot, ginawa raw ni Anjo na muling maging abala upang mayroong ibang iniisip.

Kabilang dito ang pagpasok niya sa food business, nag-o-online games na rin siya.

Nang hingan ng mensahe, sinabi ni Anjo na; "Look up and pray. Always be thankful for what you have, for what is given to you."

Huwag din daw kalimutan na ngumiti at maging masaya kahit madilim ang hinaharap ng buhay.

Pinayuhan din niya ang iba na huwag husgahan ang mga taong nakararanas ng depression at anxiety anuman ang uri ng problemang pinagdadaanan nito.

Sa halip na manghusga, mas makabubuti umano na tumulong at makinig sa mga taong may pinagdadaanang problema.

Bagaman may pagkakataon na nakararamdam pa rin siya ng anxiety, sinabi ni Anjo na mabuti na ang pakiramdam niya ngayon.

Kamakailan lang, sinabi ng Department of Health na tumaas ang bilang ng mga tumatawag crisis hotline ng National Center for Mental Health (NCMH) sa unang bahagi ng 2021, kumpara sa katulad na panahon noong 2020.

Kung kailangan o may kakilala na nangangailangan ng makakausap, maaring tumawag sa mga numero sa ibaba:

*Hopeline, (02) 804-4673; 0917-5584673
*NCMH Crisis Hotline - 0917-899-USAP (8727), (02) 7-989-USAP(8727)
*Outpatient NCMH Section - (02) 531–9001 local 290, 0977-244-0200, 0977-244-0202, 0977-244-0215.
*Facebook - facebook.com/ncmhcrisishotline;
*Twitter - twitter.com/ncmhhotline.

--FRJ, GMA News