Kilala noon sa pagiging isang dancer at aktor, na nakatambalan pa ni Judy Ann Santos sa telebisyon at sa mga pelikula, isa na ngayong licensed zumba instructor si Wowie de Guzman.
Sa programang "Stories of Hope," ikinuwento ni Wowie na taong 2016 o 2017 nang imbitahan siya ng kaniyang kaibigang Zumba instructor na maging guest sa Zumba event nito.
"Noong time na sumampa na ulit ako ng event at nakita ko maraming tao, natuwa ako because 'pag nagtuturo ako, nasusundan nila. Doon na ako nagkaroon ng idea na parang mas gusto ko ito kasi unang una, dancer ako, and at the same time, matutulungan kang pumayat, so nag-full time ako," sabi ni Wowie.
"Mas nag-e-enjoy ako roon sa pagsasayaw kasi ang tagal ko nang hindi nagsasayaw eh, puro acting. Tapos naranasan ko ulit mag-perform in front of so many people. Bilang isang performer, noong naramdaman ko ulit siya, na-enjoy ko siya," dagdag ng aktor na dating miyembro ng Universal Motion Dancers.
Taong 2018 nang makuha ni Wowie ang kaniyang lisensya sa pagiging Zumba instructor.
Pero tulad ng maraming tao, hindi naging madali ang buhay ni Wowie nang magkaroon ng COVID-19 pandemic at ipatupad ang mga lockdown.
"Tandang-tanda ko kasi nasa stage ako noon, may event kami I think sa bandang Nueva Ecija, sumasayaw. Tapos after naming sumayaw ng 10 minutes, may dumadating na na barangay at pinatitigil na 'yung event," kuwento ni Wowie.
Gayunman, hindi sumuko si Wowie at nakakita ng paraan para kumita sa online.
Bumuo silang mga mananayaw ng online dance classes, hanggang sa mauso na ang Zoom kung saan puwedeng turuan maging ang mga nasa international.
"Hindi ko masasabing dumaan sa depression na sobrang na-depressed. Kung depression lang, may mas matitinding depression din akong pinagdaanan dati. So siguro isang paraan din 'yun para lumakas 'yung loob ko na kakayanin natin itong pandemic. Siguro masasabi ko na pinatibay na ako ng mga past na experience ko," sabi ni Wowie.
Tunghayan sa video ng "Stories of Hope" ang buong kuwento at ang mabigat na pagsubok na pinagdaanan ni Wowie nang pumanaw ang kaniyang asawa, isang buwan matapos isilang ang kanilang anak.
--FRJ, GMA News