Nagpahatid ng pagbati si Willie Revillame sa kauna-unahang Olympic gold medalist ng Pilipinas na si Hidilyn Diaz.
Sa kaniyang programang "Wowowin-Tutok to Win," ipinabot ng TV host ang paghanga kay Hidilyn sa nakamit na tagumpay sa 2020 Tokyo Olympic sa kabila ng mga pinagdaanang hirap at sakripisyo.
"Kapag may paghihirap ka sa buhay, pagkatapos ng paghihirap, yung ngiti mo, ngiti ng tagumpay," sabi ni Kuya Wil.
"Alam mo naman na medyo bagsak na bagsak tayong lahat dahil sa pandemyang ito, bagsak tayo dahil walang trabaho, bagsak tayo dahil ang bigat ng pinagdadaanan ng bawat Filipino at mundo. Pero nung binubuhat mo 'yan, inangat mo ang bansang Pilipinas saan mang sulok ng mundo," patuloy niya.
"We salute you and we are proud of you," sabi pa ni Kuya Wil.
Idinagda ng TV host na ang tagumpay ni Hidilyn ay patunay na may naghihintay na magandang bunga sa mga taong nag-aalay ng tiyaga at dedikasyon sa kaniyang ginagawa.
Ang medalyang nakamit ni Hidilyn sa weightlifting event ay ang kauna-unahang gold medal ng Pilipinas mula nang sumali ang bansa sa Olympic noong 1924.-- FRJ, GMA News