May galis at iba't ibang uri ng sakit tulad ng Parvovirus at Ehrlichia nang unang makita sa sementeryo ang noo'y tuta pa lang na pinangalanang "Spooky." Pero mula nang kupkupin at ipagamot ng isang mag-asawa, malaki na ang ipinagbago niya.
Sa programang "On Record," ikinuwento ng mag-asawang sina Charmaine at Ron Michael, na nakita nila ang tuta na may malubhang kondisyon sa sementeryo malapit sa ospital na kanilang pinagtatrabahuhan.
Ayon kay Ron Michael, may galis at tila nagpuputik ang mukha ng tuta kaya ito kating-kati at kamot nang kamot.
Dahil wala namang nagmamay-ari sa tuta, kinupkop nila ang tuta noong Mayo 1, 2020, at pinangalanan nilang Spooky dahil sa nakakatakot nitong hitsura.
Nang ipagamot, natuklasan ang mga sakit ni Spooky, tulad ng Parvovirus o pagdudumi ng dugo; Ehrlichia na nakuha nito sa mga kuto, mange o skin disease, at Ascites o paglaki ng tiyan dahil sa tubig.
"'I-try lang natin na bigyan ng chance. Kung mag-survive, good. 'Pag hindi, okay lang, tanggap na rin naman namin. Hindi kami hopeful, pero hindi rin kami naglo-lose ng hope,'" sabi raw ni Ron Michael sa beterninaryong tumingin kay Spooky.
Sumailalim sa dalawang operasyon si Spooky para alisin ang mga bato sa kaniyang pantog.
Matapos ang isang taon, malusog at "pogi" na si Spooky na napaka-clingy at kulit, at nagsisilbing "bundle of joy" nina Charmaine at Ron Michael.
Panoorin ang buong kuwento at hitsura ni Spooky sa video.--FRJ, GMA News