Sigurado nang madadagdagan pa ang medalya ng Pilipinas matapos makalusot sa semifinals ang isa nating atleta sa boxing sa ginanap na 2020 Tokyo Olympics. Una rito, nakuha ni Hidilyn Diaz ang gintong medalya sa weightlifting.

Tinalo ni Nesthy Petecio si Yeni Marcela Arias Castaneda ng Colombia via unanimous decision sa quarterfinals ng women's featherweight division nitong Miyerkules sa Kokugikan Arena.

Sa panalo ni Petecio, tiyak na ang Pilipinas sa bronze medal.

Pero maaari pa itong maging silver o gold kung mananalo siya sa susunod niyang laban.

Nakalusot si Petecio sa quarterfinals round nang talunin niya ang top-seeded Chinese Taipei na si Lin Yu-Ting noong Lunes.

Sunod na makakaharap niya kung sino ang mananalo sa laban nina Caroline Veyre ng Canada at Irma Testa ng Italya.

Kung mananalo si Petecio sa susunod na laban, makakasiguro na siya sa silver, at lalaban muli para sa posibleng gold medal.—FRJ, GMA News