Bukod sa pinansiyal na insentibo na hindi bababa sa P30 milyon, may iba pang biyaya na matatanggap ang kauna-unahang Olympic gold medalist ng Pilipinas na si Hidilyn Diaz. Tulad ng house and lot at lifetime free flights.
Sa ngayon, aabot na umano sa P33 milyon ang cash reward na mula sa gobyerno at iba pang mga personalidad ang matatanggap ni Diaz matapos masungkit ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas mula nang sumali sa Olympic noong 1924.
Ngunit maliban sa pera, sinabi ni Philippine Olympic Committee president at Rep. Abraham Tolentino, na mayroon ding house and lot sa Tagaytay na matatanggap si Diaz.
Bukod pa diyan ang van mula sa Foton.
Nangako naman si Dennis Uy ng Phoenix Petroleum ng lifetime ng free fuel kay Diaz, at P5 milyon na insentibo.
Sa text text message, kinumpirma ito ni Siklab Atleta executive director at Phoenix Petroleum spokesperson Raymond Zorilla.
Magbibigay naman ng condominium unit kay Diaz sa Eastwood City ang property developer na Megaworld.
Ang AirAsia Philippines, bibigyan si Diaz ng lifetime na free flights.
“We in AirAsia would like to congratulate Hidilyn for her wonderful achievement of representing our country and earning our very first Gold medal in the Olympics. We thank Hidilyn for being an inspiration to the Filipino people and for uplifting our spirits,” ayon kay AirAsia Philippines CEO Ricky Isla.
Noong 2016 Rio Olympics, nasungkit ni Diaz ang silver medal. --FRJ, GMA News