Nakunan sa camera ang pagtangay ng isang lalaki sa cellphone ng isang may-ari ng kainan sa Barangay Longos, Malabon. Ang pagnanakaw, nagdulot ng perhuwisyo dahil nasa cellphone ang e-wallet at business contacts ng biktima.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing sarado na sana ang establisimyento sa Maya-Maya Street, ngunit isang lalaki ang pumasok at humabol ng order kaya pinagbigyan ito ng may-ari.
“Nag-order siya ng apat na meal, tapos ako lang mag-isa, single duty ako tapos kinuha ko lahat ng order niya. Pumasok ako saglit sa loob kasi nga ipe-prepare ko ‘yung order niya,” sabi ng may-ari ng kainan.
Habang inihahanda ng may-ari ang order, umupo ang lalaki bago nagpatingin-tingin sa paligid.
Ilang saglit pa, tumayo na siya at lumapit sa counter.
Sumilip pa ang lalaki sa loob ng kusina bago tinangay ang naka-charge na cellphone ng may-ari.
Sandali pang umupo ang lalaki saka tumakas dala na ang nakaw na cellphone.
“Wala siyang binayad. Parang hindi ako masyadong nagduda sa kaniya kasi maayos naman siya. Naanuhan niya siguro na ako lang mag-isa kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na magsalisi,” sabi ng may-ari.
Bukod sa nagdulot ng perhuwisyo, kabubukas lang din ng kanilang restaurant noong nakaraang buwan.
Hindi pa nairereklamo ng may-ari ang pagnanakaw sa mga awtoridad.
Sinabi ng barangay na nakahanda sila at ang kapulisan na tumulong sa biktima.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News